HomePower Beats Club

“Nadine, Moira, Darren, I Belong to the Zoo take home multiple awards at MYX Music Awards 2019”

Nadine Lustre, Moira Dela Torre, Darren Espanto, and I Belong to the Zoo are the big winners of MYX Music Awards 2019.

Star-studded ang naganap na MYX Music Awards 2019 kahapon May 15, sa Vertis North Tent. Suot ang kani-kanilang ‘90s-themed outfits, dinaluhan ng mga naglalakihang pangalan sa industriya ng OPM ang naturang awarding event ng MYX Philippines.

Narito ang listahan ng mga nanalo:

Nadine Lustre

Huli man nang dumating sa awarding event, nakatanggap ang Kapamilya actress at singer na si Nadine Lustre ng apat na award sa mga kategoryang Female Artist of the Year, Artist of the Year, Music Video of the Year (para sa “St4y Up” music video, na idinirek ni Petersen Vargas), at Media Soundtrack of the Year (para sa kantang “Prom” sa soundtrack ng pelikulang Never Not Love You) kasama ang on-screen at off-screen partner niyang si James Reid.

Moira Dela Torre

Nanalo ng dalawang awards ang Idol Philippines judge na si Moira Dela Torre sa kategoryang Mellow Video of the Year (para sa “Tagpuan” music video na idinerek ni John Prats), at Collaboration of the Year (para sa kantang “Kung Di Rin Lang Ikaw”) kasama ang bandang December Avenue.

Pinuno din ng kilig ng Kapamilya singer ang awarding event ng MYX nang kasama niyang dumalo ang asawa na si Jason Marvin Hernandez.

Darren Espanto

Wala man para tanggapin nang personal ang dalawang awards, nagpasalamat si Darren Espanto sa kanyang mga fans sa isang video na ipinalabas sa MYX Music Awards. Tumanggap si Darren ng dalawang parangal bilang Male Artist of the Year at Remake of the Year para sa kantang Dying Inside to Hold You.

I Belong To The Zoo

Dalawang parangal naman ang natanggap ni Argee Guerrero, o mas kilala bilang “I Belong To The Zoo,” bilang New Artist of the Year at MYX Bandarito Performance of the Year. Si Argee ang nagpasikat ng kantang “Sana”.

Samantala, isang major award naman ang iginawad para sa Juan Karlos na Song of the Year para sa kantang “Buwan”. Major award din ang natanggap ng Boyband PH sa kategoryang Group of the Year.

Urban Video of the Year Award ang natanggap ng rapper na si Shanti Dope para sa “Nadarang” music video. Habang Rock Video of the Year Award naman para sa IV of Spades dahil sa “In My Prison” music video nila.

Nanalo rin si AC Bonifacio bilang MYX Celebrity VJ of the Year at Maris Racal bilang Music Video Guest Appearance of the Year para sa music video ng “Lumang Tugtugin” ni Inigo Pascual.

Bukod sa mga nanalo at nominado, dinaluhan ng mga ibang artista ang naturang event tulad nina Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Hashtag CK, Vivoree Esclito, Rita Daniela, Julie Anne San Jose, at iba pa.